-- Advertisements --

Pinangunahan ng maritime authorities ang pag-uwi sa Pilipinas ng halos 1,000 Filipino crew members na sakay ng MV Norwegian Encore sa Manila Port.

Ang mga napauwing manlalayag na Pilipino ay sumailalim sa profiling ng Department of Health (DOH) matapos dumaong ang kanilang sinasakyan na barko sa nasabing pantalan noong Abril 11.

NORWEGIAN 1
MV Norwegian Encore

Sinabi ni Port Manager Eligio Fortajada ng Port Management Office (PMO) NCR-South sasailalim din ang mga ito sa mandatory quarantine at testing protocols na itinakda ng pamahalaan bago sila payagang bumaba ng barko.

Magsisilbi ring quarantine facility ang barko sa ilalim ng pangangasiwa ng Bureau of Quarantine (BOQ).

Tinulungan naman ng mga kawani mula Maritime Industry Authority (MARINA), Philippine Ports Authority (PPA), at Philippine Coast Guard (PCG) ang mga manlalayag na Pilipino sa pamamagitan ng One-Stop-Shop para sa mga seafarers.

Alinsunod na rin sa crew change protocol ng gobyerno, ang mga manlalayag ay dapat sumailalim sa swab testing sa ika-anim na araw ng kanilang quarantine, katuwang ang PCG at First Aide Molecular Laboratory.

Huhugutin naman mula sa Bayanihan to Recover as One Act o RA No. 11494 ang pambayad sa mga gagastusin.

Sa ilalim kasi ng batas na ito ay naglaan ng P270 million ang gobyerno para sa libreng reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) testing ng mga Filipino seafarers upang hindi na madagdagan pa ang kanilang gastusin pagbalik ng Pilipinas.