-- Advertisements --

DAVAO CITY – Limang political districts ng Lungsod ng Davao ang makakatanggap ngayong araw ng 10,000 piraso ng chickenjoy.

Ito’y dahil sa mababang bilang ng Coronavirus Disease 2019 (COVID 19) cases mula nang ipinatupad ang lockdown noong Marso.

Ngayong araw, Mayo 29, ay siyang petsa na ipinangako ni Davao City Mayor Sara Dutyerte Carpio na makakatanggap ang bawat distrito ng tag-2,000 piraso ng chickenjoy na may kasamang kanina at inumin.

Magsisilbi itong gantimpala dahil sa pagtupad sa hamon ni Mayor Sara noong Abril 22 na panatilihing mababa ang kaso ng COVID-19 sa kani-kanilang mga lugar.

Una nang inanunsiyo kahapon ni Mayor Sara ang mga winning districts na kinabibilangan ng Baguio, Calinan, Tugbok, Toril, at Marilog District kung saan pangungunahan ng mga barangay kapitan ang distribution.

-- Advertisement --

Umaasa naman ang alkalde na magpapatuloy ang pagbaba ng COVID cases hindi lamang sa mga nanalong distrito, kung hindi sa buong lungsod ng Dabaw.