Isang linggo lamang umano ang kayang ibigay ng Commission on Elections (Comelec) na palugit para sa extension ng voter registration bilang paghahanda sa 2022 national at local elections.
Ayon kay Comelec Commisioner Marlon Casquejo, sa mga isinagawang en banc session ay nanindigan daw ang mga poll body na hanggang sa Setyembre 30 na lamang ang deadline ng voter registration.
Gayunman puwede naman silang magsagawa ng isang linggong extension pero ito ay pagkatapos na ng filing ng certificate of candidacy (CoC).
Dagdag ni Casquejo, tatalima raw ang Comelec kapag ang panukalang extension ng voter registration hanggang sa Oktubre 31 na nakabinbin sa Kongreso ay maipapasa bilang isang batas.
Ipinaliwanag din ni Casquejo ang rason kung bakit ayaw na nilang palawigin ang registration para sa susunod na halalan.