ILOILO CITY – Patay ang driver ng motorsiklo at sugatan ang backrider nito matapos na sumalpok sa isang sports utility vehicle (SUV) sa Barangay Sarapan, Passi City.
Ang driver ng motorsiklo ay isang Eddie Navigar, 24-anyos na residente ng nasabing barangay at ang backrider nito ay si James Palmes, 16-anyos na mula naman sa Barangay Bacuranan, Passi City.
Ang SUV driver ay nagngangalang Jason Pierre Laruscain, 37-anyos na residente ng Barangay Buri, Lambunao, Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Lt. Col. Dennis Pamonag, hepe ng Passi City Police Station, sinabi nito na nag-overtake ang motorsiklo sa sinusundang SUV na biglang nag U-turn kaya nangyari ang aksidente.
Ayon kay Pamonag, hindi napansin ng driver ng SUV ang nakasunod na motorsiklo.
Dinala pa sa ospital ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival ang driver ng motorsiklo habang nagtamo naman ng bali sa paa ang backrider na tumilapon at nahulog pa sa bangin kaya pahirapan ang pag-rescue.
Sa ngayon nasa kustodiya ng Passi City Police Station ang SUV driver at sasampahan ng kasong homicide at physical injury.
















