NAGA CITY – Patay ang isang indibidwal habang sugatan ang apat na iba pa matapos bumangga ang sinasakyang L300 van sa nakaparadang wing van truck sa kahabaan ng Quirino Highway, Brgy. Bagong Silang, Tagkawayan, Quezon.

Kinilala ang namatay na si Christian Aslor na isa sa mga sakay ng van.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay P/Sgt. Achival Nase, imbestigador ng PNP Tagkawayan, bandang alas-5:30 ng umaga ng Biyernes nang maitala ang aksidente.

Binabaybay umano ng L300 van na minamaneho ni Mark Anthony Palad ang nasabing lugar nang bigla na lang itong bumangga sa nakaparadang truck na minamaneho naman ni Wilson Francisco.

Nagresulta ito sa pagkamatay ni Aslor na nasa kanang bahagi at unahan ng sasakyan na siyang tumama sa truck habang sugatan naman ang apat nitong kasamahan kasama na mismo ang driver na si Palad.

Napag-alaman na biyaheng Bikol ang mga biktima na magkakamag-anak lang naman.

Posible umanong inantok ang driver at nawalan ng control sa pagmamaneho.

Sa ngayon iniimbestigahan ng otoridad ang pangyayari at pinag-aaralan kung may pananagutan ang driver ng truck habang si Palad muna aniya ang prime suspect sa pangyayari.