KALIBO, Aklan—Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide, multiple serious physical injury and damage to property ang isang Indian national matapos na araruhin ng kanyang sasakyan ang dalawang motorsiklo sa Barangay Poblacion, Balete, Aklan.

Kinilala ang driver/suspek na si Mandeep Singh Dhaliwal, 39, at pansamantalang naninirahan sa Dulunan Villa, Iloilo City.

Ayon kay Police Staff Sergeant Jeric Dadivas ng Balete Municipal Police Station, wala na umanong buhay nang makarating sa Aklan Provincial Hospital ang backrider na si Anselma Traje, 51 makaraang tumilapon sa sinasakyang motorsiklo na minamaneho ng kaniyang asawa na si Jovy Traje, 53 at kapwa residente ng Barangay Poblacion, New Washington, Aklan.

Samantala, sugatan naman ang mag-ama na sina Vicente Recto, 53 at Jeric Vince Recto, 17 kapwa nakatira sa bayan ng Balete, Aklan.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, tinatahak ng dayuhan ang naturang lugar mula sa Iloilo City papuntang bayan ng Kalibo nang bigla na lamang nitong binangga ang motorsiklo ng mag-asawa at inararo ng ilang metro.

Kaugnay nito, tumilapon ang mag-asawa at nagpagiwang-giwang naman ang sasakyan hanggang sa napunta ito sa kabilang bahagi ng kalsada kung saan, nabangga naman nito at inararo ang motorsiklo sakay ang naturang mag-ama.

Dito na umano nahinto ang sasakyan habang ang mga sugatang biktima ay nakakalat sa national highway.

Kaagad naman inaresto ang dayuhan at nakakulong na ito ngayon sa tanggapan ng pulisya habang ang mga biktima ay patuloy na ginagamot sa bahay pagamutan sa bayan ng Kalibo.