-- Advertisements --

KORONADAL CITY — Binawian ng buhay ang isa katao habang, dalawa naman ang sugatan sa pagliyab ng motorsiklong sumalpok sa isang delivery van kaninang hapon sa national highway, Purok Sta. Lucia, Barangay Poblacion, Tupi, South Cotabato.

Kinilala ni Police Staff Sergeant Joselito Sivillo, investigator ng Tupi PNP ang nasawi na si Eduardo Culanculan, 42 na residente ng Employee’s Village, Barangay Fatima, General Santos City habang sugatan naman ang angkas nitong si Joshua Wasaylahi, 20 at residente din ng nabanggit na lugar.

Ayon kay Sivillo, nagtamo ng fracture sa kamay ang driver ng delivery van na si Allan Mirafuentes Coronel, nasa legal na edad at residente ng Sasa, Davao City.

Napag-alaman na dead on arrival na sa Roel I. Senador Memorial Hospital ang driver ng motorsiklo na si Culanculan.

Lumabas sa imbestigasyon ng Tupi PNP na papuntang lungsod ng Koronadal ang delivery Van at papuntang General Santos City naman ang motorsiklo ngunit biglang lumihis ng lane ang Kawasaki Rouser RS200 kaya’t sumalpok sa delivery van na Mitshubishi canter.

Sa sobrang lakas ng impact ay nagliyab ang motorsiklo at tumilapon ang driver at backrider nito.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon sa nasabing aksidente.