KORONADAL CITY – Nakaalerto pa rin sa ngayon ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ng North Cotabato sa sitwasyon kasunod ng magnitude 5.6 na lindol na tumama sa bayan ng Makilala at naramdaman din sa ilan pang bahagi ng Mindanao.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Kidapawan City Disaster Risk Reduction and Management Officer Salmer Bernalte, inilikas ng Disaster Preparedness Team ang mga pasyente ng Kidapawan Doctors Hospital at inilipat sa isang tennis court sa lungsod na isang ligtas na lugar upang hindi mahirapan ang mga staff ng ospital na mag-evacuate sa oras na magpatuloy at lumala pa ang mga pagyanig.
Kaugnay nito, base sa kanilang monitoring, may naitala umanong patay sa Makilala matapos atakihin sa puso dahil sa labis na nerbyos sa kalagitnaan ng lindol at may mga sugatan din matapos mahulugan ng mga matigas na bagay sa ulo na sa ngayon ay kinukumpirma pa at inaalam ang mga pangalan.
Napag-alaman na nitong Miyerkules ng tanghali lamang nagdeklara din ang Kidapawan City ng suspensyon ng klase dahil sa patuloy na mga aftershocks.