LA UNION – Dead on arrival sa ospital ang tricycle driver matapos mabangga ng kasalubong na closed van sa kahabaan ng national highway sa Barangay San Jose Sur sa bayan ng Agoo, La Union.

Nakilala ang nasawi na si Albert Huera, 35, residente ng Barangay Sta. Ana sa naturang bayan.

Nabatid ng Bombo Radyo mula sa Agoo Police Station, habang tinatahak umano ng biktima ang nabanggit na kalsada sakay ng kanyang traysikel ay nakabangaan nito ang kasalubong na closed van na minamaneho ni Cesar Reforma Jr., 31, residente ng Barangay Alua, San Isidro, Nueva Ecija.

Dinala sa La Union Medical Center ang dalawa at ang isa pang pasahero ng closed van ngunit binawian ng buhay si Huera dahil sa malubhang natamo nitong pinsala sa katawan.

Nasa mabuti na umanong kalagayan ang mga sakay ng closed van.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang alamin kung may pananagutan si Reforma sa nangyaring aksidente.