CENTRAL MINDANAO-Patay ang isang driver ng ambulansya at isa ang nasugatan nang magsalpukan ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang nasawi na si Jaime Salmorin Escolana, 59 anyos, may asawa, driver ng ambulansya ng Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) at residente ng Barangay Rosary Heights 7 Cotabato City.

Sugatan naman si Emmanuel Dinopol Mancing,23 anyos,binata at residente ng Rosales Street RH 6 Cotabato City.

Ayon sa ulat ng Libungan PNP Traffic Unit na nagsalpukan ang dalawang motorsiklo sa sangandaan (intersection) sa Barangay Baguer Libungan North Cotabato.

Kapwa tumilapon sa kanilang sinasakyang motorsiklo ang mga biktima.

-- Advertisement --

Nagtamo ng matinding sugat,bali sa katawan at nabagok pa ang ulo ni Escolana sa kalsada kaya agad itong binawian ng buhay.

Nagpaalala naman ang Libungan PNP sa mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho at sumunod sa batas trapiko upang makaiwas sa disgrasya.