Hindi mag-aatubili ang Philippine National Police (PNP) na arestuhin ang mga indibidwal na magsasagawa ng malawakang kilos protesta sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte bukas, July 27, sa Batasan Pambansa.
Ayon kay PNP spokesperson B/Gen. Bernard Banac, mahigpit na ipatutupad ng mga pulis ang “no permit, no rally policy.”
Pero siniguro ni Banac na piiralin pa rin ng pulisya ang “maximum tolerance” kasabay ng paghikayat sa iba’t ibang grupo na itigil na lamang ang kanilang kilos protesta.
Dagdag pa ni Banac, kapag hindi pa rin nakukuha sa pakiusap ang mga raliyista, hindi magdadalawang isip ang mga pulis na ipatupad ang batas at hulihin ang mga lalabag.
Una rito, ipinag- utos ng Department of Interior and Local Government sa local government units na huwag mag-issu ng permits batay sa health protocols bunsod ng coronavirus pandemic kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang mass gatherings.
Mahigpit ding ipinagbabawal ng mga otoridad ang pagsagawa ng rally sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Samantala, nasa 5,600 police personnel ang ipakakalat ng PNP sa SONA kasama na rito ang 59 personnel ng Highway Patrol Group.
Muli namang umapela ang PNP sa mga raliyista na gawing “virtual” na lamang ang kanilang kilos protesta para makaiwas na mahawaan ng deadly virus.
Ayon naman kay National Capital Region Police Office Chief M/Gen. Debold Sinas, hindi sila makikialam sa mga raliyista na magpoprotesta sa loob ng University of the Philippines (UP) campus.
Pero sa sandali aniyang lumabas ng campus ang mga raliyista, dito na sila dadakipin ng mga pulis.