-- Advertisements --

VIGAN CITY – Muling ipinaalala ng Department of Interior and Local Government (DILG) na wala silang sasantuhing local government unit (LGU) sa pagpapatupad nila ng parusa laban sa mga pasaway na opisyal nito.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na agad silang magpapadala ng show cause order sa mga LGU officials lalo na sa mga barangay chairman na hindi nagawang linisin ang mga kalsadang nasasakupan niya sa loob ng 60 araw.

Ayon kay Diño, pagkatapos ng pagpapadala ng show cause order ay magsasampa na sila ng kaso sa Office of the Ombudsman.

Bahala na aniya ang Ombudsman kung sususpendihin o tatanggalin na sa puwesto ang mga pasaway na barangay chairman.

Bukas, Setyembre 29, magtatapos na ang 60 araw na deadline upang linisin ng mga LGU officials ang mga kalsadang nasasakupan nila.

Ngunit hindi umano rito magtatapos ang responsibilidad ng mga LGU officials dahil ayon sa opisyal ng DILG, kailangang mapanatili na walang sagabal sa mga pangunahing kalsada.