LA UNION – Sagad umano sa buto ngayon ang lamig sa China dahil bumagsak sa -1 °C (degrees Celsius) ang kasalukuyang temperatura.

At dahil dito, nadagdagan na naman ang pangamba ng mga tao roon kabilang ang mga Overseas Filipino Workers sa posibleng pagdami pa ng mga dadapuan ng respiratory illnesses sa gitna ng pananatiling deadly virus na novel coronavirus.

Ito ang ibinahagi ng Bombo International Correspondents na sina Jerrold Pascua at Dina Columbano mula sa Kaifeng, Henan.

Ayon kay Pascua, nananatiling lockdown sa nasabing lugar at wala pang kasiguruhan kung kailan babalik sa normal ang sitwasyon doon.

Sa sobrang lamig at hamog na nararanasan sa China, nakakaguhit na raw sa semento gaya na lamang nang isinulat nina Pascua at Columbano na “GOD BLESS” at “BOMBO RADIO.”

-- Advertisement --

Sa pinakahuling ulat, mahigit na sa 560 ang namatay sa coronavirus outbreak na nagmula sa Wuhan, China, at mahigit na sa 28,000 ang dinapuan ng virus sa halos 25 mga bansa.