-- Advertisements --

Isang batalyon ng elite force ng PNP ang ipapadala sa probinsiya ng Sulu bilang augmentation force sa mga tropa doon matapos ang madugong kambal na pagsabog sa probinsiya noong Lunes.

Mismong si PNP chief General Archie Francisco Gamboa ang nag-utos kay SAF Director M/Gen. Clifton Empiso at PRO-BAR director B/Gen Manuel Abu na dagdagan ang pwersa sa Sulu.

Kabilang sa direktiba ni Gamboa ay ang malalimang imbestigasyon sa Jolo twin bombings.

Jolo Sulu blasts Bombing 2

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PNP spokesperson B/Gen. Bernard Banac sinabi nito nasa 328 na mga SAF troopers ang idi-deploy sa probinsiya kung saan kalahati ng pwersa ay manggagaling sa national headquarters sa Kampo Crame habang ang kalahati ay kukunin sa mga naka-deploy na sa Mindanao.

Layon ng dagdag na pwersa ng PNP ay para mapanatili ang peace and order sa probinsiya.

Bumiyahe na rin patungong Sulu ang Technical teams ng PNP Crime Laboratory at PNP Bomb Data Center mula Camp Crame para magbigay ng technical support sa mga imbestigador.

Hindi naman masabi ni Banac kung kailan matatapos ang imbestigasyon ng PNP.

“Sa ngayon nakaantabay pa rin tayo sa magiging ulat ng PRO BAR, kakadala pa lang natin ng teams mula sa PNP Crime Laboratory at sa PNP Bomb Data Center para tumulong sa investigation duon. Ang pakay ng Crime Laboratory ay upang kumuha ng mga samples, specimen na gagamitin para a DNA analysis, ang Bomb Data Center naman ay upang mangalap ng bits of pieces of fragments upang pag-aralan kung anong klaseng bomba ang ginamit, so ito ay kakailanganin natin para magkaroon tayo ng conclusive findings,” pahayag pa ni Gen. Banac.