-- Advertisements --

Naglabas ngayong araw ang World Health Organization (WHO) ng ikalawang Global Hypertension Report na nagsasabing 1.4 bilyong tao ang may altapresyon noong 2024, ngunit mahigit isa sa bawat lima lamang ang may control dito.

Ipinakita rin sa ulat na 28% lamang ng mga bansang mababa ang kita ang may sapat na suplly ng mga gamot na inirerekomenda ng WHO sa mga botika at pangunahing pasilidad pangkalusugan.

Ang altapresyon ay pangunahing sanhi ng atake sa puso, stroke, sakit sa bato, at demensya, na maaaring maiwasan at magamot kung agad na kikilos.

Ayon kay Dr. Tedros Ghebreyesus ng WHO, mahigit 1,000 buhay kada oras ang nawawala dahil sa altapresyon, ngunit may kakayahan ang mga bansa upang baguhin ang kalagayang ito. Binanggit naman ni Dr. Kelly Henning ng Bloomberg Philanthropies na higit 10 milyong buhay kada taon ang nasasayang dahil sa hindi kontroladong altapresyon, lalo na sa mga bansang kulang sa access sa serbisyong pangkalusugan.

Sa kabila ng mga hadlang, nagpakita ng tagumpay ang Bangladesh, Pilipinas, at South Korea sa pagsasama ng hypertension care sa universal health coverage.

Nanawagan ang WHO sa lahat ng bansa na isama ang control sa altapresyon sa mga reporma sa kalusugan upang maiwasan ang maagang pagkamatay at mabawasan ang pasaning pang-ekonomiya.