Hinihikayat ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang publiko na unahin ang kanilang kaligtasan lalong lalo na sa gitna ng nagpapatuloy na banta ng COVID-19.
Target umano ng ahensya na walang maitalang firecracker-related injury sa bansa sa nalalapit na pagpasok ng Bagong Taon.
Ayon kay DILG spokesman Undersecretary Jonathan Malaya, sa ngayon ay wala pang nauulat na may nasugatan dahil sa mga paputok.
Tradisyon na aniya ng pamilyang Pilipino na sabayan ng paputok ang pagdiritang ng New Year habang nag-eenjoy sa media noche. Subalit, dahil sa epekto ng pandemic na nagbunsod sa “new normal” ay mas dapat umano na gawing layunin ng bawat pamilya ang kanilang kaligtasan.
Malaki raw ang regalo at ambag na ito para makaiwas sa peligro at maging mapayapa ang pagsalubong ng bagong taon.
Positibo naman ang opisyal na kayang gawin ang zero-casualty dahil bahagya na ring bumababa ang naitatalang firecracker-related incidents ng mga nagdaang taon.
Base sa datos mula Philippine National Police (PNP), aabot ng 307 firecracker-related incidents ang naitala sa buong bansa noong Enero 2019. Mas mababa raw ito ng 67 porsiyento kumpara sa 929 na naitala naman noong 2016.
Umabot naman ng 449 ang mga nasugatan dahil sa paputok noong 2018 habang 65 lamang noong 2017.