Naniniwala ang pamahalaan na nasa France na ang puganteng dating kongresista na si Elizaldy “Zaldy” Co, kung saan umano ito naghain ng aplikasyon para sa political asylum, na lalong nagpapahirap sa pagsisikap na maibalik siya sa Pilipinas.
Ayon sa Malacañang, wala na sa kustodiya ng Czech Republic si Co matapos itong pansamantalang maharang sa Prague dahil sa paggamit ng invalid travel documents habang tinatawid ang German border noong Abril 16.
Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagkadismaya sa nangyari, at nakipagpulong sa mga kinatawan ng France at Czech Republic upang alamin ang mga posibleng pagkukulang at kung paano pa makakatulong ang mga ito sa pagbabalik kay Co.
Sinabi ng Palasyo na naghain umano si Co ng asylum batay sa alegasyong “political persecution,” na mariing itinanggi ng gobyerno. Patuloy naman ang koordinasyon ng Pilipinas sa mga dayuhang pamahalaan upang maibalik siya at harapin ang mga kasong graft at malversation.
Iginiit ng Malacañang na gagamitin nito ang lahat ng legal na paraan sa ilalim ng international law upang mapauwi si Co at papanagutin sa mga alegasyon laban sa kanya. (Report by Bombo Jai)
















