-- Advertisements --

Inimbitahan ng Philippine Navy ang isang barko ng Chinese People’s Liberation Army navy o PLA-N na sumali sa maritime activity ng ASEAN Defense Ministers’ meeting-plus o admm-plus sa West Philippine Sea.

Namataan ang Chinese warship na nasa humigit-kumulang 10 nautical miles mula sa mga kalahok na barko habang papalapit ang mga ito sa exercise area, mga 45 nautical miles mula sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.

Ayon kay Combined Task Force Commander Captain Miljun Peñaflorida, nag-radio challenge ang BRP Jose Rizal sa Chinese Vessel, ngunit hindi lamang ito challenge kundi imbitasyon na rin dahil kabilang ang China sa Admm-plus.

Hindi naman tumugon ang Chinese Warship at hindi rin nito naantala ang maritime exercise.

Sinabi ni Peñaflorida na natapos nang maayos ng mga kalahok na bansa ang mga nakatakdang drills.

Kabilang sa aktibidad ang Pilipinas, United States, Australia, Japan, New Zealand, India, Singapore at Brunei, na nakatuon sa pagpapalakas ng maritime security at kahandaan ng mga kalahok na pwersa.