-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Department of Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na hayagang nagsisinungaling si dating House Appropriations Chairman Rep. Zaldy Co sa mga serye ng video na kaniyang inilabas.

Maalalang ilang video na ang inilabas ng dating mambabatas na nag-aakusa kina Pang. Ferdinand Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez, atbpang malalapit sa pangulo, na umano’y may malalim na kaalaman sa budget insertion, at kickback scheme sa mga flood control project.

Ayon kay Remulla, mapapansin ang mga kasinungalingang bumabalot sa mga testimoniya ni Co, mula pa noong simula.

Kabilang dito ang pagsasabi niyang hindi siya nakinabang sa kickback scheme gayong marami sa mga nagsilbi niyang ‘tauhan’ ay siya ang pawang itinuturo.

Tinutukoy din ang dating mambabatas aniya na aabot sa 25% ang kaniyang kinukuha o hinihinging porsyento sa mga public infrastructure project, batay sa mga naunang testimoniya nina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo, atbpang nagpatotoo sa naturang kalakaran.

Hindi rin aniya makapagpakita ang dating mambabatas ng akmang resibo, bagkus, pawang mga maleta lamang ang inilalabas na larawan, di tulad ng ginawa ng ibang tumestigo laban sa kaniya.

Wala ring katotohanan aniya ang sinabi ni Co na ituturing siya ng administrasyong Marcos bilang terorista.

Ayon kay Remulla, hindi kabilang si Co sa listahan ng mga personalidad na kinikilala bilang terorista. Hayagang tinukoy ng Interior secretary ang nag-resign na mambabatas bilang isang kriminal, magnanakaw, at sinugaling.