suspek6

LEGAZPI CITY – Inabisuhan ng pamilya Cam ang nag-aakusang pamilya Yuson na hintayin na lamang ang resulta ng imbestigasyon ng pulisya imbes na magpalabas ng mga haka-haka.

Ang mag-inang PCSO Director Sandra at Marco Martin Cam ang itinuturo ng pamilya Yuson na umano’y nasa likod ng pagpaslang kay Batuan, Masbate Vice Mayor Charlie Yuson III.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Cam, sinabi nito na wala umano itong alam sa mga ibinibintang sa kanila.

Aniya, sanay na rin umano siyang matalo sa politika at kailangan nang “mag-move on” kaagad dahil wala naman aniyang magagawa kung lima sa mga kapartidong konsehal ng anak na si Marco ang nakalusot sa halalan noong Mayo 2019.

Sandra Cam
PCSO Dir. Sandra Cam

Hindi rin aniya maaaring umupo sa pwesto ang anak kaya’t walang dahilan upang gawin ang ibinabato ng pamilya Yuson.

“Stop the speculations! Let the investigation go deeper dun sa Manila Police (District). Mag-dig sila ng deeper (investigation),” ani Cam.

Samantala, kumbinsido naman ang asawa ng pinaslang na bise alkalde na si Lalaine Yuson na driver mismo ni Cam ang isa sa apat na sangkot sa pananambang.

Dalawa rin aniya sa mga suspek ang bata ni Cam habang dalawa ay pulis umano sa Masbate.

Umapela rin ang mga Yuson ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte sa agarang paglutas sa pagkamatay ng opisyal.

Lalaine Yuson1
Ms. Lalaine Yuson