-- Advertisements --

Nakahanay na ang ilang aktibidad na isasagawa ng mga taga-suporta ni dating Pang. Rodrigo Duterte bago at sa mismong araw ng pagdinig ng International Criminal Court (ICC) sa kaniyang kasong crimes against humanity.

Batay sa mga nakatakdang aktibida na pinaplano ng mga supporter, magsisimula ito sa Septyembre-19, limang araw bago ang September-23 hearing ng dating pangulo.

Sa naturang araw, magsasagawa ang mga supporter ng malawakang rally sa isang lugar sa Amsterdam. Ito ay inaasahang dadaluhan ng libo-libong tagasuporta ng dating lider ng bansa.

Ayon kay dating Presidential Spokesperson Harry Roque, tiyak na nakatutok ang marami sa naturang rally, kayat nais ng mga ito na maimbitahan ang lahat ng mga supporter para dumalo at makibahagi sa rally.

Susundan ito aniya ng malawakang martsa kinabukasan (Sept. 20) patungong The Hague, kung saan kasalukuyang nakadetene ang dating pangulo.

Pagsapit ng Setyembre-21, magsasagawa ang mga tagasuporta ng isang panel discussion at magpapatuloy ito sa susunod na araw. Inaasahang dadaluhan ito ng mahigit 1,000 Pilipino.

Sa mismong araw ng pagdinig, Setyembre-23, sisimulan ng mga ito ang isang prayer vigil upang ipanalangin ang tuluyang pagpapauwi pabalik sa Pilipinas, sa dating pangulo.

Magtatagal ang prayer vigil hanggang sa Setyembre-26, ang araw na inaasahang matatapos na ang kabuuan ng confirmation of charges hearing ng Pre-Trial Chamber ng ICC.