Pinakiusapan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Regulatory Office ang water concessionaires na Maynilad at Manila Water na ipagpaliban muna ang water service disconnection sa mga residenteng hindi makapagbayad ng kanilang bill sa tubig, na sinalanta ng habagat at mga bagyo.
Sa isang statement, sinabi ng regulatory body na sa ganitong kritikal na panahon ng kalamidad kung saan pinaka-kailangan ang malinis na tubig para protektahan ang kalusugan ng publiko, dapat na tiyakin aniya ang concessionaires ang availability ng suplay ng tubig para sa lahat ng mga konsyumer.
Hiniling din sa mga water concessionaire na huwag putulin ang suplay ng tubig ng mga residente na sinalanta ng habagat at ng mga bagyong Crising, Dante at Emong mula noong Hulyo 25 hanggang sa Agosto 8.
Nilinaw naman ng regulatory body na hindi saklaw sa direktiba ang mga kaso na may kaugnayan sa water service tampering, paglabag sa Water Crisis Act o iba pang mga iligal na aktibidad.