DAGUPAN CITY – Hindi lamang doble kundi triple ang kailangang trabahuin ng Golden State Warriors para hindi tuluyang talunin ng Toronto Raptors sa next game ng NBA Finals.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay George Ceralde, sports coordinator at coaching staff ng isang unibersidad sa lungsod ng Dagupan, sinabi nito na bukod sa homecourt ng Raptors gaganapin ang Game 5 ay maaaring lumubog ang Warriors sa mga injured nitong players kaya kailangan ng mga ito na pagbutihin ang susunod na laban.

Abangan na lang aniya ng mga NBA fans kung mambubulaga ang Warriors sa next game sapagkat ang tanging pag-asa na lamang nito para makabangon ay ang mga injured players katulad ni Kevin Durant.

Ngunit nakikita naman ni Ceralde na posibleng tapusin na ng Raptors ang serye sa Game 5 dahil na rin sa ipinapakitang angas at gutom ng mga players para makuha ang unang kampeonato sa NBA.

Mababatid na isang panalo na lamang ang kailangan ng Raptors para makuha ang unang kampeonato sa kasaysayan ng kanilang prangkisa matapos na masilat muli ang mahigpit na karibal na two-time defending champion sa Game 4 sa score na 105-92.