Binigo ng Los Angeles Lakers ang pagtatangka ng NBA defending champion na Golden State Warriors na makaganti sa kanilang ikalawang game ngayong preseason games.

Muli na namang pinahiya ng Lakers (3-3) ang Warriors (1-4) sa score na 119-105.

Nanguna sa diskarte ng Lakers si Travis Wear na may 13 points, 5 rebounds at 3 assists.

Tumulong din mula sa bench si Svi Mykhailiuk na nagpakita ng 22 points at si Kyle Kuzma na nagdagdag ng 19.

Ang panalo ng Lakers ay sa kabila na hindi naglaro ang kanilang superstar na si LeBron James na pinagpahinga muna lalo na at ilang araw na lamang ay pormal nang magbubukas ang bagong season ng NBA.

Si Lonzo Ball ay muling pinaglaro at bahagi ng starting line up ng LA na nagtala ng 8 points, 7 assists at 6 rebounds.

Sa panig naman ng Warriors nasayang ang 21 points na pinakawalan ni Klay Thompson.

Kapwa naman may tig-16 points sina Stephen Curry at Damian Jones.

Mula naman sa bench ay nagbuslo ng 20 si Quinn Cook para sa Warriors.

Sina Kevin Durant at Andre Iguodala ay hindi muna pinaglaro ng coaching staff.

Sa first half ng laro ay umabanse pa ang Warriors na agad na rumatsada kung saan sa pagtatapos ng first quarter ay hawak nila ang 38-29 kalamangan.

Pero pagsapit ng third quarter, dito na umalagwa ng husto ang Lakers at hindi na lumingon pa hanggang sa pagsapit ng fourth quarter.