CAUAYAN CITY- Sinalakay ng mga otoridad sa pangunguna ng Isabela Police Provincial Office at Naguillian Police Station ang isang pagawaan ng mga hinihinalang pekeng sigarilyo sa Palattao,Naguillian, Isabela.

Tumambad sa mga otoridad ang sako sakong mga sigarilyo at mga chemical at machines sa paggawa ng sigarilyo.

Nakita rin sa pagawaan ng pekeng sigarilyo ang 185 na manggagawa sa nasabing warehouse.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan ang mga manggagawa ay galing pa sa Mindanao na dinala dito sa Isabela upang magtrabaho at pinapasahod sila ng P10,000 sa isang buwan.

Nag-ugat ang pagsalakay ng mga otoridad sa nasabing lugar matapos parahin ng mga kasapi ng Naguillian Police Station sa isang checkpoint ang isang wingvan truck.

Sa pagsasagawa ng inspeksyon ng mga pulis sa loob ng truck na sa unang tingin ay naglalaman lamang ng mga ipa ng palay ngunit nang maiging sinuri ang laman ng truck ay natuklasan ang mahigit anim na raang sako ng ibat ibang klase ng sigarilyo na natabunan ng mga ipa.

Walang naipakitang kaukulang dukumento ang mga dinakip na pinaghihinalaan na sina Roger Aparilla, 40 anyos, may asawa, driver ng truck residente ng Brgy 24A, Cagayan De Oro City sa Misamis Oriental at si XIu Zou Wu, isang Korean national, 44 anyos, may asawa, negosyante at residente ng Batal, Santiago City.

Sa imbestigasyon ng pulisya sa mga pinaghihinalaan ay nalaman kung saan galing ang mga pekeng sigarilyo kaya’t sinalakay nila ang nasabing warehouse at pagawaan.