CAGAYAN DE ORO CITY – Pinapahina pa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang CPP-NPA-NDF (Communist Party of the Philipines-New People’s Army- National Democratic Front) na kumikilos sa boundary ng Lanaol del Sur at Bukidnon.
Ito’y matapos nakubkob ng 5th Infantry “Duty Bound” Batallion ang nagsisilbing kampo ng mga rebelde sa mabundok na bahagi ng Maguing, Lanao del Sur.
Ayon kay 5th Infantry Battalion commanding officer Lt. Col. Romulus Rabara, ang pagkakubkob sa kampo ng NPA ay kasunod ng isang oras na engkuwentro na nagresulta sa pag-atras ng CPP-NPA-NDF.
Tumambad aniya sa kanilang tropa ang mga naiwang bomba ng mga rebelde, iba’t ibang uri ng bala, mga gamot, medical equipment, war documents, 20 litrong containers ng bigas at iba pang kagamitan.
Bagama’t nakatakas ang mga rebelde, naniniwala ang militar na maaaring mayroong mga sugatan dahil sa mga patak ng dugo sa dinaanan habang patakas mula sa puwersa ng gobyerno.
Wala namang naitalang casualty sa panig ng militar mula sa kanilang pakikipagbakbakan.