Iniulat ni Department of Migrant Workers (DMW) officer-in-charge Hans Cacdac na walang mga Pilipino ang nasawi at nasugatan sa terror attack na nangyari sa concert hall sa Moscow na kumitil na sa mahigit 100 katao at ikinasugat ng mahigit 100 indibdiwal.
Ito ang kinumpirma ng opisyal base sa natanggap nitong impormasyon mula kay Department of Foreign Affairs (DFA) USec. for Migrant Workers Affairs Eduardo De Vega.
Nagpaabot naman ang opisyal ng pakikiramay at dasal para sa pamilya ng mga biktima ng naturang pag-atake.
Batay sa impormasyon mula sa DFA, aabot sa 10,000 Pilipino ang nasa Russia kung saan 8,000 sa kanila ay nasa kabisera ng Moscow.
Una rito, base sa reports sinalakay ng mga armadong indibidwal ang Crocus City Hall na may dalang mga baril at incendiary devices.
Inako naman terror group na ISIS na sila umano ang responsable sa likod ng naturang pag-atake bagamat wala itong ibinibigay na ebidensiya sa kanilang claim.
Sa isang kuhang video footage, makikita na nasusunog ang naturang complex na kinaroroonan ng music hall at shopping center, matapos na magpaputok ng baril at maghagis ng granada ang mga armadong suspek na dahilan ng pagsiklab ng sunog.
Ito na ang itinuturing na deadliest terror attack sa Moscow sa loob ng ilang dekada kasunod ng pagkapanalo ni Russian President Vladimir Putin sa ikatlong termino.