Umapela si Senator Manny Pacquiao sa publiko na huwag husgahan ang buong pambansang pulisya dahil lamang sa nagawang krimen ng isa nilang kabaro na si Master Sergeant Jonel Nuezca, na bumaril at pumatay sa mag-ina sa Tarlac.

Matapos ang naturang insidente, ilang netizens ang nagpahayag ng pagkabahala sa anila ay nangyayaring mga kaso ng police abuse.

Naniniwala si Pacquiao na marami pang pulis na matino at isa lamang sa mangilan-ngilang bulok sa kanilang hanay tulad ni Nuezca.

Sa halip, sinabi ng senador na patuloy pa rin tayong dapat magtiwala sa ating kapulisan at dapat tulungan sila na maramdaman ang pagmamahal at pagkalinga ng mga mamamayang kanilang pinagsisilbihan.