-- Advertisements --

Matinding paratang ang binitawan ni Vice President Sara Duterte laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa gitna ng umiinit na bangayan sa pagitan ng magkakampi-turned-rivals sa gobyerno.

Sa isang panayam, sinabi ni VP Duterte na hindi titigil ang mga atake laban sa kanya at sa kanyang pamilya hangga’t hindi siya nakukulong o namamatay.

Lumabas ang pahayag ilang araw matapos kasuhan ng physical injuries at grave threats ang kanyang kapatid na si Davao City Rep. Paolo Duterte kaugnay ng umano’y pananakit sa isang negosyante sa bar sa Davao noong Pebrero—insidente na may kalakip pang CCTV footage.

Pero giit ni VP Sara, walang kinalaman ang lokal na pulitika sa Davao sa reklamo laban kay Rep. Paolo Duterte. Tinukoy niyang ang Philippine National Police at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) mismo ang nasa likod ng kaso.

Hindi rin umano siya nababahala sa sunod-sunod na isyu laban sa kanyang pamilya: mula sa pag-aresto ng kanyang ama, si dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa The Hague; sa kanyang nakaambang impeachment trial sa Hulyo; hanggang sa kaso ng kanyang kapatid. Ayon sa Bise Presidente, may mga abogado silang hahawak sa mga ito.

Gayunpaman, nakikita raw niya ang “bright side” ng sitwasyon: mas nagiging informed umano ang taumbayan sa kung sino ang karapat-dapat ihalal.

Nagpatutsada rin si Duterte sa Palasyo, matapos tanggihan na direktang banggitin si Pangulong Marcos. Aniya, hindi malilinlang ang mga Pilipino sa pamamagitan ng mga atakeng pulitikal habang kapos ang administrasyon sa mga konkretong programa para sa bansa.

Dagdag pa niya, hinahanap ng mga mamamayan ang tunay na pag-unlad at kapayapaan, hindi sigalot sa gobyerno.

Kahit anong atake aniya nila, hindi pa rin babango ang administrasyon. Hindi pa rin daw makikita ang sinasabi nilang ‘Bagong Pilipinas’. (Report by Bombo Jai)