Nag-waive ng kaniyang pribilehiyo para sa parliamentary courtesy si Vice President Sara Duterte sa kaniyang pagharap sa budget hearing ng House Committee on Appropriations sa 2026 proposed budget ng Office of the Vice Preasident (OVP) ngayong Martes, Setyembre 16.
Bago simulan ng mga mambabatas ang interpelasyon sa Bise Presidente, nilinaw ni Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab sa kaniyang manifestation ang aniya’y napagbotohan noong Biyernes na paggawad ng parliamentary courtesy sa Pangalawang Pangulo bilang matagal ng tradisyon para sa mga matataas na opisyal ng pamahalaan.
Tinugunan naman ito ni House Committee Vice Chairperson Rep. Jose Alvarez na walang napagbotohan at iginiit na “bigo umanong mahati ang Kamara”.
Muli namang iginiit ni Ungab na nagkaroon ng botohan, at dito nilinaw ni Rep. Alvarez na humiling ang Minority na mag-interpellate sa Bise Presidente at nasa prerogatibo na aniya ni VP Sara kung iwi-waive niya ito.
Tinanong naman ni House Committee on Appropriations chairperson Rep. Mikaela Suansing si VP Sara at dito nag-waive ang Bise Presidente sa kaniyang pribilehiyo para sa parliamentary courtesy at sinagot ang mga katanungan ng mga mambabatas.
Una rito, naging mainit na paksa ang paggawad ng parliamentary courtesy sa OVP matapos umayon ang Minority noong Biyernes, sa pamamagitan ni Senior Deputy Majority Leader at Caloocan 2nd District Rep. Edgar Erice sa Majority na nangangako sa pagpapanatili ng tradisyon sa matataas na opisyal ng gobyerno.
Bagamat tinutulan ito ni ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio at hinamon ang Bise Presidente na i-waive ang naturang courtesy at sagutin ang mga katanungan kaugnay sa pondo ng kaniyang opisina.