Tinukoy ng testigo ng prosekusyon na si Commission on Audit (COA) supervising auditor Xylene Mae del Campo si Vice President Sara Duterte bilang isa sa mga opisyal na “liable” o may pananagutan sa P73.287 milyong disallowance sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Base sa testimoniya ni Del Campo, bilang Head of Agency, si VP Sara ang itinuturing na “accountable officer” sa notice of disallowance ng COA dahil siya ang nag-apruba sa mga transaksyon at sa paggamit ng mga cash advance mula sa kontrobersiyal na confidential funds ng OVP noong Disyembre 2022.
Maliban sa bise presidente, tinukoy rin ni Del Campo na personal na may pananagutan ang dalawa pang opisyal ng OVP kabilang si Gina Acosta (Special Disbursing Officer) – ang payee at siyang nag-disburse ng mga cash advance at Julieta Villadelrey (Chief Accountant) – nagsertipika na kumpleto at tama ang mga supporting document.
Ang Notice of Disallowance ay inisyu ng COA-Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) dahil sa mga sumusunod na paglabag:
-Walang isinumiteng mga official receipt o sales invoice para sa pagbili ng mga kagamitan.
-Ang halagang ₱3.5 milyon ay ginamit sa pagbili ng mga mesa, upuan, computer, at printer na walang patunay na may kinalaman sa mga lihim o confidential na operasyon.
-Umabot sa ₱69.7 milyong pondo na nakalaan para sa mga reward payment ang hindi napatunayan dahil sa kakulangan ng sapat na dokumentasyon.
Nabunyag din sa paglilitis na ginastos ng OVP ang pondo sa mga aktibidad tulad ng Christmas party, at tree-planting mula Disyembre 13 hanggang 31, 2022, bago pa man ito opisyal na nailabas o natanggap noong Disyembre 21, 2022.
Una rito, hindi inaprubahan ng COA proper ang hirit na review ng OVP, kaya obligado ang mga naturang opisyal na ibalik ang disallowed na halaga sa kaban ng bayan.
















