Naghain si Vice President Sara Duterte ng reply-affidavit sa kasong perjury laban kay Ramil Madriaga sa Office of the City Prosecutor sa Taguig, kung saan iginiit ng kanyang kampo na sapat ang kanilang ebidensya upang patunayang nagsinungaling umano ang testigo sa ilalim ng panunumpa.
Ayon kay Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., hindi umano nasagot ng counter-affidavit ni Madriaga ang mga ebidensyang inilatag ng kampo ng Bise Presidente, at lalo pa umanong pinahina ang kanyang mga alegasyon.
Iginiit ng kampo ni Duterte na sa kanilang 340-pahinang complaint-affidavit, naipakita nilang “imposible” ang mga pahayag ni Madriaga, kabilang ang umano’y pagiging tauhan nito mula 2018 at pagkakasangkot sa mga political group at confidential funds.
Pinabulaanan din ng kampo ang mga paratang ni Madriaga hinggil sa umano’y ilegal na pondo mula sa drug dealers at POGOs, at sinabing may mga dokumento at testimonya na sumasalungat sa kanyang mga alegasyon.
Samantala, itinakda sa Mayo 18 ang susunod na pagdinig kung saan inaasahang magsusumite si Madriaga ng rejoinder affidavit, habang pinag-aaralan din ng kampo ni Duterte ang posibilidad ng pagsasampa ng panibagong perjury complaint laban sa kanya, depende sa magiging estratehiya kaugnay ng nalalapit na impeachment proceedings. (Report by Bombo Jai)
















