Naniniwala si Pangulong Rodrigo Duterte na nauuwi na sa “grandstanding” ang mga hakbang ni Vice President (VP) Leni Robredo bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti- illegal Drugs (ICAD).
Binigyang-diin ito ni Pangulong Duterte sa gitna ng umano’y kaliwa’t kanang pagsasalita nito sa publiko kasunod ng pagkakatalaga niya sa ICAD.
Sinabi ni Pangulong Duterte, inilalagay lang ni VP Robredo sa jeopardy o alanganin ang bansa sa sunod-sunod nitong pagsasalita sa madla na mistula na ring circus.
Ayon pa kay Pangulong Duterte, dismayado rin siya sa mga balak ni VP Robredo na imbitahan ang Human Rights Commission, pakikipag-usap sa United Nations (UN) at umano’y pagnanais pa nitong makausap ang iba pang mga dayuhang grupo na pawang kritiko sa anti-drug war ng gobyerno.
Kaugnay nito, kanyang pinayuhan ang bise presidente na mag-isip-isip muna bago magbitiw ng mga salita para matiyak na hindi malalagay sa balag ng alanganin ang bansa.
“She was grandstanding na eh. It was — it was like a carnival after. She was talking right and left dito ganun. Presidente ka, mag-ganun ka? You will… You will just place the Republic of the Philippines in jeopardy. Alam mo bakit? It’s your penchant. Knee-jerk ka eh. Ang problema kay Robredo is this. Right after she was appointed, she began talking publicly about inviting the Human Rights Commission, she was talking to the United Nations, she would want to talk to the European, at marami na siyang pinagsasabi,” ani Pangulong Duterte.
“Look. Before you open your mouth, kindly think. Dito, puro imbita ka na, I will invite the United Nations…” ‘Di imbitahin mo silang lahat. Pero sabi ko, barahin ka na.”