Patuloy na magpapadala ng mga maulap na kalangitan, pag-ulan, at thunderstorm ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ),at Amihan ngayong Miyerkules, Oktubre 29, sa Palawan, Visayas, at Mindanao ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Sinabi rin ng ahensya na wala din silang namo-monitor na low pressure area o bagyong maaaring mabuo sa ngayon.
Apektado ng ITCZ ang Eastern at Central Visayas, Zamboanga Peninsula, BARMM, SOCCSKSARGEN, Northern Mindanao, Caraga, Masbate, at Sorsogon, na makakaranas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog.
Samantala, ang Batanes at Babuyan Islands ay makararanas ng mga pag-ulan dahil sa northeast monsoon, habang apektado rin ang Metro Manila at ang natitirang bahagi ng Luzon na magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong pag-ulan dahil sa easterlies.
Ibinabala naman ng Pagasa na katamtaman hanggang sa malakas na hangin at banayad hanggang katamtamang alon ang mararanasan sa Extreme Northern Luzon, habang mahina hanggang katamtamang hangin at alon naman sa natitirang bahagi ng bansa.
















