-- Advertisements --

Madalas mang magbatuhan ng patutsada, nagpaabot ng pagbati si Vice President Leni Robredo sa ika-76 na taong kaarawan ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Palm Sunday, March 28.

“Baka makalimutan natin, birthday ni Pangulo ngayon. So, happy birthday po,” saad ni Robredo sa kanyang weekly radio program.

Maliban sa bise presidente, bumati rin ang tagapagsalita ni Digong na si Harry Roque kung saan wish daw nito ang maayos na kalusugan sa mga susunod pang taon.

“Amidst the pandemic, may President Duterte continue to enjoy a sound health so that he may carry on instituting real change to our country and society, and leading all Filipinos towards collective recovery from this pandemic, inclusive growth, and equitable progress,” ang pagbati naman ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar.

March 28, 1945 nang isilang si Pangulong Duterte sa Maasin, Southern Leyte. Ang kanyang mga magulang na sina Vicente Duterte at Soledad Roa ay kapwa civil servants.

Una nang inihayag ni Roque na ipagdiriwang ng pangulo ang kaarawan nito sa kanyang hometown sa Davao City pero planong bumalik sa Manila kinabukasan.

Bukas kasi, araw ng Lunes, nakatakdang dumating ang 1 million doses ng CoronaVac vaccine.

Sa report ng Bombo Radyo Davao, inaasahan na simpleng hapunan lamang kasama ng kanyang pamilya ang magiging selebrasyon ng pangulo.

Kung maaalala, walang papayagan na politiko, negosyante at mga kaibigan ng pangulo, na personal na bumati sa kanya para na rin sa kanyang kaligtasan.

Sinasabing dahil sa pagtaas ng kaso ng Coronavirus Disease (COVID) sa ilang lugar sa Maynila, nilimitahan ang pakikisalamuha nito sa mga tao base na rin sa payo ng kanyang mga doktor at Presidential Security Group.

Nabatid na madalas na ipinagdidiwang ng pangulo ang kanyang kaarawan sa Southern Philippines Medical Center kasama ang mga cancer patient ngunit tila mababago dahil sa COVID pandemic.

Noong nakaraang taon, nagdiwang si Digong ng kanyang birthday habang naka-self-quarantine sa Malacañang.

Nananatiling birthday wish nito na matuldukan na ang COVID pandemic sa bansa. (with report from Bombo Nes Cayabyab-Mercado)