-- Advertisements --

Inihayag ng Commission on Audit (COA) nitong Huwebes, Setyembre 11, na naglabas ito ng 1,985 notices of disallowance laban sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa nakalipas na sampung taon, na may kabuuang halagang P5.8 billion sa umano’y kuwestiyonableng paggasta ng pera ng ahensya.

Ayon kay COA Chair Gamaliel Cordoba sa pagdinig ng House committee on appropriations, umabot din sa 8,294 notices of suspension na may halagang P303.68 billion ang inilabas ng COA laban sa DPWH, at 54 notices of charge na nagkakahalaga ng P8.8 million.

Paliwanag ng COA ang disallowance ay nangangahulugang tuluyang hindi pinayagan ang isang transaksyon matapos ang naging audit. Bukod dito ang suspension ay pansamantalang hindi pinapayagan habang hinihintay ang mga paliwanag sa mga kaduda-dudang transaksyon.

Gayundin ang itatakdang charge na ginagamit kapag kailangang managot ang ahensya sa mga iregularidad.

Sa ngayon ay hindi pa inilalahad ng COA ang detalye ng mga iregularidad, ngunit kinumpirma nitong sumasaklaw ito sa mga proyekto sa iba’t ibang rehiyon.

Kamakailan, nagsumite na rin ang COA ng limang fraud audit reports kaugnay ng mga flood control project sa 1st District Engineering Office ng DPWH sa Bulacan, partikular sa Calumpit at Baliuag.

Kabilang sa mga contractor ay Wawao Builders, St. Timothy Construction Corporation (na may kaugnayan kay Cezarah “Sarah” Discaya), at SYMS Construction Trading.