Naobserbahan ang voluminous steam o makapal na singaw sa main crater ng bulkang Taal nitong gabi ng Biyernes, Oktubre 10 na tumagal ng halos isang oras.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nangyari ang aktibidad ng bulkan mula alas-9:55 ng gabi hanggang alas-10:45 ng gabi.
Nagbuga ang bulkan ng puting plume na umabot sa 2,100 metro ang taas mula sa crater, base sa naitala ng Taal Volcano Observatory Thermal Camera.
Ipinaliwanag naman ng ahensiya na normal na ang pagbuga ng bulkan ng voluminous steam simula nang sumabog ito noong Enero 12, 2020, na nagresulta sa pagkabalot ng ilang parte ng Batangas at karatig na mga probinsiya ng ibinuga nitong abo.
Kaugnay nito, binigyang diin ng ahensiya na nananatiling epektibo ang Alert Level 1 sa bulkan, na nangangahulugang nasa abnormal na kondisyon ito bagamat walang ipinapakitang nakaambang banta ng pagsabog.
Patuloy naman ang paalala sa publiko na bawal pa rin ang pagpasok sa Taal Volcano Island, ang permanent danger zone dahil sa posibilidad ng mga mapanganib na aktibidad ng bulkan.