Pinili ni Bulacan Vice Governor Alex Castro na huwag nang patulan ang mga komento ni Alvin Aragon kaugnay sa pagsali ng kanyang asawa na si Sunshine Garcia sa reunion concert ng SexBomb Girls.
Ayon sa ulat, sinabi ni Alex na mas gusto niyang ituon ang pansin sa kanyang tungkulin bilang bise gobernador kaysa sa kontrobersiyang ito.
“Kahapon ko pa nakita, pati ‘yung video [ng interbyu kay Alvin], pero hindi ko na dapat patulan dahil mas madami akong mahalagang trabaho dito sa amin,” ani Alex.
“Ipagdasal na lang natin silang mag-asawa,” dagdag pa niya.
Nag-ugat ang isyu tungkol sa isang panayam noong Pebrero 13 kung saan iginiit ni Alvin na hindi dapat pinayagan ni Alex ang si Sunshine na magtanghal sa concert bilang ito ay may-asawa na.
“Sinasabi nila, ‘Buti pa ‘yung asawa ni Sunshine, vice governor, pinayagan sila mag-concert.’ Dapat nga hindi eh. Dapat nga, ‘yung asawa mo, ingatan mo. Hindi mo hahayaang mag-suot ng mga damit na para pagnasaan ng mga lalaki,’” ani Alvin.
Mariin rin siyang nagreact laban sa mga nagkukumpara sa kanya sa mga asawa ng ibang miyembro ng SexBomb Girls. Ayon kay Alvin, hangad lamang niyang protektahan ang kanyang asawa laban sa posibleng hindi kanais-nais na pag-nanasa ng ibang lalaki sa kanyang sexy outfits.
Sa kabila nito nag-pasalamat naman si Sunshine sa kanyang asawa sa patuloy na suporta at pagpapahintulot nito kanya na gawin ang mga bagay na nagpapasaya sa kanya na maalalang nag-tanghal sa fourth reunion concert ng SexBomb noong Pebrero 7 na surpresa ngang lumabas si Izzy Trazona, asawa ni Alvin.
“My date last night. Nagkaroon din tayo ng quality time. Hindi mo nakakalimutan talagang maging sweet, girl na girl ako haha!” ani Sunshine sa kanyang Facebook post.
“And thank you lagi sa SUPPORT, hinahayaan mo akong mag-GROW at gawin ‘yung mga bagay na makakapag-pasaya sa akin. Thank you sa pag-intindi. I love you, VG (vice governor) Alex Castro,” dagdag pa niya.











