KALIBO, Aklan—Pinagkaguluhan sa Caticlan Jetty Port si Vice Ganda nang mapansin ito palabas ng building papuntang bangka na siyang maglalayag sa kaniya patawid sa isla ng Boracay.

Magiliw na nakipagselfie si Vice o Jose Marie Borja Viceral sa tunay na buhay sa mga nakasabayan nito sa jetty port.

Kasama ng comedian-TV host ang kaniyang mga kaibigan at mananatili ang mga ito sa Boracay ng ilang araw para sa kanilang bakasyon.

Nitong mga nakaraang araw ay maraming mga local celebrities ang bumisita sa Boracay upang saglit na makapagbakasyon.

Isa na rito ang masayang bonding ng Kramer at Garcia family na kauna-unahang travel ng mga ito sa gitna ng pandemya.

Ngayong nalalapit na ang kapaskuhan inaasahan na ang unti-unting pagdami ng mga turista na bumibisita sa Boracay.

Batay sa datos ng Malay Municipal Tourism Office, umakyat na sa 1,646 ang bilang ng mga tourist arrivals sa unang 5 araw pa lamang ng buwan ng Disyembre.