Sa kabila ng pagbuhos ng mga petisyon sa Supreme Court (SC) na kumukuwestiyon sa ligalidad ng Anti Terrorism Law, hiniling naman ng isang abogado na ikonsidera ang kanyang rekomendasyon na ibasura ang lahat ng mga ito.
Ayon sa beteranong abogado at dating solicitor general ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na si Estelito Mendoza, pormal na niyang hiniling sa Korte Suprema na payagan siyang maging amicus curiae o “friend of the court.”
Ang amicus curiae ay isang “experienced” at “impartial” na abogado na puwedeng imbitahin ng SC para tumulong sa pagresolba ng mga resolution ng mga pending issues, base sa Rules of Court.
Hiniling din nitong tanggapin ang kanyang mga komento sa mga petisyon.
Aminado naman si Mendoza na hindi siya inimbitahan pero naniniwala itong ang kanyang karanasan sa mga isyu na may kinalaman sa kaso ay makakatulong sa korte.
Isa na umano sa mga “most relevant experience” nito ang mahigit 500 beses na naging kinatawan ng Marcos-time government officials sa mga kasong kumukuwestiyon sa mga legalidad ng pag-aresto at pag-ditine.
Binigyang pansin din ni Mendoza ang dalawa sa 29 na petisyon partikular ang inihain ng grupo ng mga abogadong sina Howard Calleja at nina retired Senior Associate Justice Antonio Carpio at Ombudsman Conchita Carpio-Morales at mga propesor ng University of the Philippines (UP).
Sinabi ni Mendoza na hindi raw naka-comply ang mga petisyon sa requirements sa pag-exercise ng kapangyarihan ng korte.
Sa ikatlong linggo ng Setyembre ay magsasagawa na ang SC ng oral argument kaugnay pa rin sa mga petisyon sa kumukuwestiyon sa naturang batas.