Matapos sampahan ng kaso, hiniling ngayon ni Justice Sec. Menardo Guevarra sa Supreme Court (SC) na ilipat sa Metro Manila ang venue sa pagdinig sa kaso ng pagpatay sa negosyanteng si Dominic Sytin.
Ayon Kay Guevarra, mula Olongapo City ay nais niyang mailipat ito sa Metro Manila para sa kaligtasan at seguridad ng mga testigo.
Maliban dito, nais din ng kalihim na mailipat ang venue para maiwasan ng korte at prosecution ang pressure dahil sa impluwensiya ng contending parties at ang intense public interest sa kontrobersiyal at sensational case.
Una rito, kinumpirma DoJ na sinampahan na ng kasong murder at frustrated murder sa Olongapo City Regional Trial Court (RTC) ang itinuturong utak at mga suspek sa pagpatay sa negosytante sa Olongapo City.
Ayon kay DoJ Usec. at Spokesperson Markk Perete, kinumpirma mismo ng National Prosecution Service (NPS) ng kagawaran na nakitaan ng probable cause para sampahan ng kaso si Dennis Lim Sytin na sinasabing utak sa pagpatay nito sa nakatatanda niyang kapatid na si Dominic noong Nobyembre 28, 2018.
Sa 56-pahinang resolusyon na pirmado nina Senior Asst. State Prosecutor Juan Pedro Naverra at ng tatlo pang miyembro ng panel, kabilang din sa mga kinasuhan sina Ryan Rementilla alyas Oliver Fuentes na nagpakilala sa gunman sa itinuturong mastermind at ang self-confessed gunman na Edgardo Luib dahil sa pagpatay kay Dominic Sytin.
Kinasuhan din ng frustrated murder sa Olongapo RTC ang tatlo dahil naman sa bigong pagpatay sa bodyguard ni Dominic na si Efren Espartero.
Nai-raffle ang kaso sa sala ni Judge Richard Paradeza ng Olongapo RTC.
Ang biktimang si Dominic Sytin ay founder at CEO ng United Auctioneers Inc.
Binaril-patay ang biktima sa harap ng Lighthouse Hotel sa Subic Bay Freeport Zone.