-- Advertisements --

Inakusahan ni Venezuelan President Nicolas Maduro ang Amerika ng pagiimbento ng eternal war o walang katapusang giyera matapos ipag-utos ang pagpapadala ng pinakamalaking barkong pandigma sa buong mundo na USS Gerard R Ford sa Caribbean.

Ito ay bilang bahagi ng war on drug traffickers ng US sa naturang rehiyon.

Sinabi ng Venezuelan President sa state media na nangako umano ang Estados Unidos na hindi na ito masasangkot pa sa isang digmaan subalit gumagawa naman umano ito ng giyera.

Ginawa ni Maduro ang pahayag matapos makailang beses ipahiwatig ni US President Donald Trump ang posibilidad ng tinawag niyang “land action” sa Venezuela dahil kontrolado na umano nila ang dagat.

Kung saan ikinokonsidera umano ni Trump ang pag-target sa cocaine facilities at mga ruta ng drug trafficking sa loob ng Veenzuela subalit wala pang pinal na desisyon dito.

Nauna na ngang inakusahan ni Trump si Maduro bilang lider umano ng drug-trafficking organization, na itinanggi naman ng Venezuelan President. Hindi nga kinikilala ng US si Maduro bilang lehitimong lider ng Venezuela dahil malawakang itinuturing ang halalan noong 2024 na hindi mlaya at hindi patas.