-- Advertisements --

Nai-deliver na raw sa lahat ng polling precincts ang mga vote counting machines (VCMs) at official ballots na gagamitin sa May 9 elections.

Sinabi ni Comelec Commissioner Aimee Ferolino na maliban sa mga VCMs at balota ay naipadala na rin ang mga ballot boxes, Broadband Global Area Network at Consolidated Canvassing System (CSS) kits ay nakumpleto na noong May 5.

Ayon naman kay Commissioner Marlon Casquejo ang 70,924 clustered precincts o 67 percent ng mahigit 106,000 clustered precincts nationwide ay nakapagsagawa na ng final testing at sealing ng mga VCM na gagamitin sa halalan.

Kung maalala hanggang sa Mayo 7 pa ang isinasagawang final testing at sealing ng mga VCM na nagsimula noong May 2.

Nasa 355 VCMs at 44 SD cards naman ang nadiskubreng depektibo at kailangan na ng kapalit.

Karamihan sa mga depektibong VCM ay may problema sa scanner at printer roller.

Ito ay inayos sa Comelec warehouse sa Santa Rosa, Laguna.

Tiniyak naman ng Comelec na hindi magkaka-problema ang mga VCM pero mayroon lamang daw 1,100 contingency machines.

Mayroon naman umanong walong VCM repair hubs sa buong kapuluan kabilang na rito ang tatlong hubs sa Luzon na matatagpuan sa Santa Rosa, Region 1 at National Capital Region, dalawa sa Visayas na nasa Cebu at Tacloban at tatlo naman sa Mindanao na matatagpuan sa Davao City, Cagayan de Oro City at Zamboanga City.

Hinikayat pa rin ng Comelec ang publiko, poll watchers at representatives ng mga political parties na makilahok sa testing ng mga VCMs.