-- Advertisements --

MANILA – Ikinokonsidera ng National Task Force against COVID-19 (NTF) na gawing 24/7 ang operasyon ng itatayong mega vaccination site sa lupang sakop ng Nayong Pilipino.

Ayon kay NTF spokesperson Restituto Padilla, angkop ang itatayong pasilidad para sa tuloy-tuloy na pagbabakuna ng bansa laban sa coronavirus disease.

Mayroon daw kasing sariling vaccine cold storage sa gusali, gayundin na patuloy itong babahagian ng supply.

Target daw ng pamahalaan na buksan ang pasilidad bago matapos ang buwan.

Ito ay sa kabila ng kontrobersiya sa bagong gusali, dahil sa pagtutol ng ilang grupo at opisyal.

“Hindi ko alam kung na-launch na yung project, ang pangako po, within a month to a month and a half,” ani Padilla sa panayam ng DZBB.

Una nang sinabi ng Department of Health na tatalakayin pa nila ang planong 24/7 vaccination dahil limitado pa ang supply ng bansa sa COVID-19 vaccines.