-- Advertisements --

Pumalo na ng P800 million ang utang ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa Philippine Red Cross (PRC) para sa COVID-19 tests.

Ayaw na raw sanag pag-usapan ni PRC Chairman at Senator Richard Grodon ang naturang paksa subalit dapat daw ay maghunos-dili ang PhilHealth dahil aabot na naman ng halos P1 billion ang utang nito.

Ibig sabihin lamang nito ay lumobo pa ng halos P200 million ang utang ng naturang state health insurer sa loob ng isang buwan.

Patutsada ng senador, hindi raw pwede na kung kailan lang gusto magbayad ng PhilHealth ay saka lamang ito magbabayad, dahil lolobo lang ang kanilang utang.

Kung sakali ay mapipilitan na naman daw ang Red Cross na tumigil sa pagsasagawa ng COVID-19 test.

Kailangan pa umano ng ahensya na bumili ng mga equipments at bayaran ang mga medical technicians, gayundin ang mga empleyado ng laboratoryo.

Dagdag pa ng senador na magpapadala ng sular ang secretary general ng Red Cross sa PhilHealth upang ipaalam dito kung magkano na ang kanilang outstanding balance.

Nakikiusap aniya ito na siguruhin ng PhilHealth na maayos na nababayaran ang kanilang utang dahil nakakatakot daw na posibleng bumagsak din ang Red Cross dahil sa ginagawa ng PhilHealth.

Kung matatandaan, noong Oktubre ay itinigil ng Red Cross ang COVID-19 test para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na umuuwi sa bansa dahil nabigo ang PhilHealth na bayaran ang naunang utang nito na P1 billion.