-- Advertisements --

Patuloy ang pagbaba ng outstanding debt o natitirang utang ng gobyerno ng Pilipinas.

Ayon sa Bureau of Treasury (BTr), bahagyang bumaba sa 17.46 trillion ang utang ng gobyerno sa pagtatapos ng Setyembre ngayong taon mula sa P17.47 trillion na kabuuang utang noong pagtatapos ng Agosto 2025.

Sa isang statement, ipinaliwanag ng bureau na ang patuloy na pagbaba ng utang ng gobyerno ay sumasalamin sa matalinong pamamahala sa pananalapi, estratehikog pangungutang at proaktibong pangangasiwa sa mga pananagutan kalakip ng matatag na kondisyon sa merkado at malakas na kumpiyansa ng domestic investor.

Ayon sa bureau, bumaba ang domestic debt o panloob na utang ng 0.9% o sa P11.97 trillion kasabay ng pagbabayad ng pamahalaan sa mas maraming utang kesa sa bagong issuances.

Ang external debt naman o panlabas na utang ay tumaas sa 1.9% o sa P5.48 trillion sa pagtatapos ng Setyembre, na pangunahing dahilan ay ang pagtamlay ng halaga ng peso.

Sa pangkalahatan, ayon sa Bureau of treasury, pinagtitibay ng datos noong Setyembe ang matatag na disiplina sa pananalapi ng Marcos Jr. administration gayundin ang proaktibong pangangasiwa sa mga utang, na sumisigurong ang pinansiyal ng gobyerno ay mananatiling sustainable, strategic at suportado ang mga prayoridad sa paglago ng ating bansa.