-- Advertisements --

Kaisa ang Amerika sa alalahanin ng Pilipinas hinggil sa patuloy na pagiging agresibo ng China sa West Philippine Sea partikular ang ginagawa nitong pangha-harass sa mga barko ng Pilipinas.

Ito ang inihayag ni US Senator Kirsten Gilibrand na siyang nanguna sa US Congressional delegation na nag courtesy call kaninang hapon kay Pang. Ferdinand Marcos Jr sa Palasyo ng Malakanyang.

Magugunita na sa pinakabagong insidente sa Ayungin Shoal, muling binomba ng water canon ng China Coast Guard ang barko ng Pilipinas na maghahatid sana ng supply sa mga sundalo na naka station sa BRP Sierra Madre.

Mariing kinondena ng gobyerno ang ginawang pangha-harass ng China Coast Guard.

Ikinalugod naman ni Pang. Ferdinand Marcos ang pagbisita ng mga Amerikanong mambabatas at umaasa na ang kanilang pagtungo sa bansa ay magiging produktibo.

Ang pagbisita ng mga Amerikanong mambabatas ay sa kalagitnaan ng nararanasang topsy turvy political cycle ng bansa.

Lubos naman nagpsalamat si Gilibrand sa patuloy na pakikipag kaibigan ng Pilipinas sa US na isang matatag na partner sa ekonomiya.

Nais ng US na palakasin pa ang ugnayan sa energy, minerals at commerce.

Binigyang-diin ng US senator na nais pa nilang lumago ang ugnayan ng dalawang bansa.

Kinilala din nito ang malaking ambag ng milyong Filipino sa ekonomiya ng Amerika na kanilang kinukunsidera na mga kapatid.

Anim na US senators at Isang taga House of Representatives ang nag courtesy call sa Presidente kabilang sina Senator Kirsten Gillibrand, Senator Jeanne Shaheen , Senator Roger Marshall, Senator Mark Kelly, Cynthia Lummis, Senator Michael Bennet at Representative Adriano Espaillat.