Inanunsyo ni U.S. Attorney General Pam Bondi nitong Huwebes (araw sa Amerika) na itinaas ng Estados Unidos sa $50 million ang reward money para sa impormasyon na makakapagturo sa pag-aresto ni Venezuelan President Nicolas Maduro, dahil sa umano’y pagkakasangkot sa drug trafficking at pakikipagsabwatan sa mga kriminal na grupo.
Sa isang video sa X, inakusahan ni Bondi si Maduro ng pakikipagtulungan sa mga kilalang sindikato tulad ng Tren de Aragua at Sinaloa Cartel.
Tinawag naman ng Venezuelan Foreign Minister Yvan Gil ang hakbang na ito bilang isang “the most ridiculous smokescreen ever seen.” Sa kanyang post sa Telegram, sinabi ni Gil na ito ay bahagi lamang ng “media circus” ng Estados Unidos para pasayahin ang oposisyon sa Venezuela.
‘While we’re debunking the terrorist plots orchestrated from her country, this woman is coming out with a media circus to please the defeated far-right in Venezuela,’ dagdag pa ni Gil.
Una nang itinakda ang reward sa $15 million noong 2020, kasabay ng pag-akusa ng U.S. prosecutors kay Maduro ng drug trafficking.
Nadagdagan pa ito sa $25 million noong Enero 2025 nang manumpa si Maduro sa ikatlong termino, kalakip ang bagong sanctions laban sa mga opisyal ng gobyerno.
Noong Pebrero, idineklarang foreign terrorist organization ng U.S. State Department ang Tren de Aragua, kasabay ng MS-13 at ilang Mexican cartels at noong Hulyo, idinagdag rin sa listahan ng global terrorist organizations ang Cartel de Los Soles.
Ayon kay U.S. Secretary of State Marco Rubio, si Maduro ay umano’y lider ng Cartel de los Soles sa loob ng mahigit isang dekada —grupong sangkot sa pagpupuslit ng droga papasok sa Amerika.