Inanunsiyo ng Estados Unidos na magbibigay ito ng maritime fund para sa mga bansa sa Indo-Pacific Region kabilang ang Pilipinas.
Ito ay para tulungan ang mga bansang maprotektahan ang kanilang katubigan at malabanan ang illegal maritime activities na lumalabag sa international laws.
Layunin din ng bagong US funding na mapalakas pa ang maritime law enforcement capacity ng mga bansa sa rehiyon kabilang ang Vietnam, Indonesia, Malaysia, Pacific Islands, Pilipinas at iba pang maritime South Asian nations.
Ginawa ni US Secretary of State Marco Rubio ang pahayag na kasamang nag-host ng maritime ministerial meeting sa United Nations General Assembly sa New York.
Sa kaniyang pahayag, binatikos ni Rubio ang pagpapalawig at hindi makatarungang maritime claims ng China sa pinagtatalunang karagatan saklaw ang West Philippine Sea at ang mapanirang pamamaraan nito.
Sa parehong pulong, hinimok din ni Philippine Foreign Affairs Secretary Theresa Lazaro ang mga bansa na punahin ang mga lumalabag sa international maritime law at gumagawa ng mga agresibong aksiyon na nilalagay sa panganib ang mga buhay at nakakapinsala sa seguridad ng mga barko at sasakyang panghimpapawid.