Nagpahayag ng pagkabahala ang US at European Union sa panibagong pambobomba ng tubig ng barko ng China Coast Guard (CCG) sa research team ng Pilipinas sa Pag-asa Cay 2 (Sandy Cay).
Una nang kinumpirma ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Philippine Coast Guard (PCG) ang naturang insidente na nangyarii habang nagsasagawa ang dalawang BFAR vessel ng routine marine scientific research mission sa naturang bahura.
Giit ni US Ambassador MaryKay Carlson, ang aggresibong aksyon ng China laban sa dalawang civilian mission sa Sandy Cay ay naglalagay sa buhay ng mga sibilyan sa tiyak na kapahamakan.
Isa rin aniya itong panibagong banta sa katatagan ng Asia-Pacific Region.
Nagpahayag naman ng pakikiisa sa Pilipinas si EU Ambassador Massimo Santoro at iginiit ang pangangailangang sundin ang mga itinatakda ng UN Convention on the Law of the Sea at 2016 arbitral award upang maiwasan ang anumang makakasira sa katatagan sa naturang rehiyon.
Ayon kay PCG Spokesman on West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, ang presensiya ng CCG vessels 21559 at 5103, kasama ang dalawang barko ng Chinese maritime militia, na pawang sumuporta sa ginawang pambobomba ng tubig ay nagpapakita kung papaano sinusuportahan ng China ang mga serye ng panghaharass na ginagawa ng mga barko nito sa WPS.
Ang Sandy Cay ay mahigit anim na kilometro lamang mula sa Pag-Asa Islands, ang teritoryo ng Pilipinas na bahagi ng Kalayaan groups of islands sa probinsya ng Palawan.